Friday, February 27, 2009

petiks-peteks

Sa buhay empleyado merong dalawang pagpipilian kung tinatamad kang
magtrabaho.

A. Una ay umabsent.

1. Kapag umiikot na kaagad sa katawan mo ang katamaran pagkagising pa lang
sa umaga ay mag-isip ka na kaagad ng palusot kung bakit ka aabsent.
Paalala: dapat ay memoryado mo ang mga dahilang nagamit mo na dati (tip:
gumawa ng isang logbook) ng sa gayon ay hindi ka parang sirang plakang
nag-uulit lang lagi ng rason ng di pagpasok. Alalahanin na tuso din ang
mga bossing.

2. Kapag nakaisip ka na ng magandang dahilan ay agad mag-text o tumawag sa
bossing mo, the earlier the better. Kung ayaw mo ng madaming tanong e
mag-text ka at kung nais mo namang tumawag ay siguraduhin mong magaling
kang umarte kagaya ng kung ikaw ay kunwaring me sakit ay umubo ka ng
paunti-unti habang kinakausap ang bossing mo.

3. Matapos mag-text/tumawag ay bumalik sa higaan at magplano ka na ng
gusto mong gawin sa buong araw. Malaking posibilidad na magtutulog ka lang
buong araw. Sya nga pala, kapag tumawag ang opisina sa kalagitnaan ng
araw, laging tandaan ang rasong ginamit (consistent ka dapat), maaari
namang i-off mo na lang ang phone mo para hindi ka maistorbo buong araw.

BABALA: Siguraduhing regular ka na sa kumpanyang pinagtratrabahuhan kung
ikaw ay mag-aabsent.


B. Pangalawa ay pumasok

Eto ang dapat gawin ng mga empleyado kapag tinatamad magtrabaho pero ayaw
umabsent. Ang mga taong ito ay nuknukan ng kapal ng mukha. Ang mga
sumusunod na instructions ay napakasimple pero effective. Meron ding oras
na nakatakda, magsisismula ng alas ocho ng umaga at magtatapos ng alas
singko ng hapon.

1. Pumasok ng sakto sa oras. Huwag kang male-late at huwag ka din namang
excited masyado. 8:00

2. Pagdating mo sa opisina ay ilapag mo lang kaagad ang gamit mo sa lamesa
at magtungo kaagad sa pantry. Magtimpla ng kape o kung anuman ang iniinom
mo pag umaga. Habang nasa loob ay makipag-usap sa mga tao doon, patagalin
mo ang usapan (tip: pag-usapan ang mga headline ngayong araw o mga
nangyari kahapon sa loob ng opisina). Kung walang tao sa pantry ay
mag-yaya ka ng kasama bago pa man pumasok doon. 8:00-8:30

3. Matapos sa pantry ay magtungo na sa lamesa mo dala-dala pa din ang
kape, ito ay para hindi ka antukin buong araw. Buksan ang computer.
Matapos nito ay buksan ang mailbox mo. Basahin ang mga email…mapabago man
o luma. Buksan lahat ng pedeng buksang attachments, makakabuti ito sa
pagpapatagal ng oras. O kaya naman ay mag-email ka sa mga kakilala mong
matagal mo ng di nakakamusta. Kapag di ka pa nakuntento ay gawing chat ang
email (ito ay sa kadahilanang banned na ang halos lahat ng messengers sa
mga kompanya…pati google talk di pinalagpas, mga hayop na IT yan). Pano?
Mag-email ka sa kakilala mong alam mong merong access sa internet sa mga
oras na yon tapos antayin ang reply…wholla! Instant chat session. Sya nga
pala, habang ginagawa ang mga nasa taas ay huwag makakalimot inumin ang
kape..lalamig ito. 8:30-9:30

3. Matapos ang makabuluhag paggamit ng computer ay magdala ng mga
papel-papel at magtungo sa kung saan mo man nais. Mas maganda kung mukha
kang aborido hawak ang mga props mo habang papaalis ng lamesa, ito ay para
sabihin ng bossing mo sampu ng kasamahan mo sa trabaho na busy ka lagi.
Magtungo sa ibang department na me kakilala at makipag-usap ng kung
anu-ano. 9:30-10:00

4. Tignan mo nga naman. Alas dies na! Break time na ulit! Pagkatapos
mag-lamyerda sa ibang department ay magtungo ulit sa puwesto at ibaba ang
mga scratch paper na props. Dalhin ang tasa sa pantry at magtimpla ulit ng
panibagong kape, libre ang kape kaya magtimpla ka lang ng magtimpla.
Magtungo sa labas kung ikaw ay nag-yoyosi kung di naman ay manatili sa
pantry at makipag-usap ka na lang sa mga tao doon. 10:00-10:15

5. Pagkatapos ng break ay bumalik sa lamesa at humarap sa computer (huwag
ng magdala ng kape sa lamesa…tama na ang nainom mo, sisikmurain ka na sa
sobrang gahaman). Tapos ka na sa mga emails mo, ngayon naman ay
mag-internet ka na lang ng kung anik-anik. Pero bago mag-internet ay
magbukas ka muna ng office document kahit wala kang balak gawin ang mga
ito, makakatulong ang documentong ito mamya. Tapos ay mag-internet ka na.
Paalala: dapat ay alerto ka sa mga tao sa paligid mo, kapag alam mong me
padating pindutin ang ALT at TAB ng sabay. Ito ay para makapunta sa office
document na binuksan mo kanina. Kung mabagal ang iyong reflexes ay dapat
mabilis ka sa paggamit ng mouse para ma-click mo agad sa taskbar ung
documentong nasabi. Kapag na-master mo na ang technique na ito ay di na
mapapansin ng bossing mo na nag-iinternet ka lang sa mga oras na ito.
10:15-12:00

6. Tama na muna ang computer. Lunch break na! Alam mo na ang dapat gawin.
12:00-1:00

7. Pagkatapos kumain ay gawin ulit ang #5. Habang gingawa ito ay maglabas
ulit ng mga scratch papers na para bang me hinahanap. Tandaan na dapat
seryoso ang mukha mo habang gingawa ang mga ito (tip: ikunot ang noo para
makakuha ng mukhang seryoso). 1:00-3:00

8. Break time na ulit. Ang bilis nga naman ng oras. Hala..punta na ulit sa
pantry. Maaari ka na ulit mag-kape at makipag-chikahan. 3:00-3:15

9. Bumalik sa lamesa at guluhin ito sa pamamagitan ng paglabas ng
sandamakmak na mga papel. Tapos ay gawin ulit and #5. Tignan ang oras sa
computer mo. Kung 4:30 na ay simulan mo ng ayusin ang ginulong lamesa.
Mag-ayos ayos ka na din ng sarili. Kung kasing kapal ng adobe ang mukha mo
ay magtungo ka ulit sa pantry para mag-kape (tandaan na dapat me kasama sa
pantry) o kaya naman ay gawin ang #3. Matapos ang lahat ng ito ay umuwi ka
na, para mo ng awa…wala ka na ngang silbi ay nangdadamay ka pa ng iba sa
katamaran mo. 3:15-5:00

BABALA: Wag mong ipapabasa ito sa bossing mo kung ayaw mong mawalan ka ng
trabaho.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.